Ambulansya
(sa panulat ni Kristine Sendy del Rosario)
Dati-rati, kapag nakakarinig ako ng tunog ng ambulansya, napapaisip ako. Sino kaya yung dadalhin sa ospital? Ilang taon kaya siya? Ano kaya nangyari sa kanya? Sana naman ay maging okay siya. Sana gumaling na siya kung ano man sakit meron siya.
Naisip ko rin, “Ano kaya pakiramdam ng sumakay sa ambulansya? Yung emergency talaga at kinakailangan kang itakbo sa pinakamalapit na ospital dahil sa isang iglap ay pwede ka mawala?”
Sa loob loob ko, gusto ko yata ma-experience maisakay sa ambulansya….
Marami kaya mag-aalala sa kin kung sakali? Marami kayang susugod sa ospital para alamin kung ano na kalagayan ko? Morbid ba? Wala naman, naisip ko lang. Kung talaga kasing mangyayari, mangyayari.
May 30, 2007, 3am. Little did I know na sa mismong birthday ko mararanasan ang noo’y iniisip ko lang.
Hindi pa nagbubukang-liwayway ay naramdaman ko na lang na isinasakay ako sa isang sasakyan. Hindi ko na mawari kung anong klase. Van ata. Maluwag yung loob e. At me stretcher. Me kumot. Me unan. Malamig. Madaming apparatus sa loob.
Habang tumatakbo ang sasakyan, may male nurse na kinakabitan ako ng oxygen mask. Tapos me nilagay siya sa dulo ng daliri ko. Nakalagay pa rin sa bibig ko ang dulo ng mouthpiece for the nebulizer. Me nakalagay na ring IV line sa ugat ko sa kaliwang kamay. Tapos, he keeps on talking to me. Ginigising ata ako. Ewan ko ba dun, di naman ako natutulog ah. Basta I feel like I was floating. Medyo alam ko ang nangyayari pero parang wala ako dun. Ganun.
Noon ko narinig yung sirena ng ambulansya. At this time, habang lumulutang ang pakiramdam ko, naisip ko, ano kaya ang iniisip ng mga taong nakakarinig ng pagdaan namin? Katulad kaya ng mga iniisip ko dati?
Well, malamang konti lang nakakarinig e. Mga himbing pang natutulog ang mga taga-Lipa.
Ganun pala pakiramdam. Para akong lumilipad habang paspas sa pagmamaneho ang driver ng ambulansya. Ramdam ko ang bawat liko, lubak, at hinto ng sasakyan. Nakikita ko sa gilid ng mga nakapikit kong mata ang bawat ilaw sa mga poste at mga bahayan na nadadaanan namin.
Ganun pala ang pakiramdam habang ang mommy ko ay tahimik na umiiyak at nagmamasid sa tabi ko, habang hawak hawak ang mga kamay ko at tinatawag ang pangalan ko, sinasabing malapit na kami sa ospital.
Ganun pala ang pakiramdam habang may isang male nurse, a complete stranger, na nag-aalalang hinahagpos ang mga kamay ko at tinatawag ang pangalan ko, buong ingat na inaayos ang mouthpiece at oxygen mask sa mukha ko.
Ganun pala ang pakiramdam na sa bawat harurot ng ambulansya, humuhugot rin ako ng aking hininga. Na sa bawat malalim na paghinga, katumbas ay ang kabog sa dibdib ng mga nakapaligid sa akin.
Ganun pala ang pakiramdam na andun ka sa malamig at tumatakbong ambulansya. Naisip ko, nagaalala rin kaya ang mga kaibigan, at mga mahal ko sa buhay para sakin? Pupuntahan ba nila ako sa hospital? Kung malayo ba sila, pipilitin ba nilang puntahan ako?
Ganun pala ang pakiramdam habang halos wala na ako sa ulirat, parang nag-flashback naman ang sakit na dinanas ko ng mga nakaraang taon. Na para bang at that very moment, naisip kong, sa wakas, makakapagpahinga na rin ako…..
At that point, parang yun na nga ata ang gusto ko mangyari e. Rest. Ganun kasi talaga ang pakiramdam pag pagod na pagod ka na di ba? You want rest. You need rest. You have to rest.
Ganun pala.
Inihanay sa: Kristine Sendy's Thoughts, The Mind of a Kristine Sendy, ambulance, ambulansya, batangas, birthday, kristine sendy, kristine sendy del rosario, life, lifetime, lipa, moments, nebulizer, oxygen, tagalog, tintin del rosario, tintinsendy












Buy now!"




















[...] had 3 consecutive confinements just last May and June 2007. Read the Ambulansya story. This was my 4th. This is one of those moments when I pray there will be no next [...]